- Back to Home »
- Kaibigan
Wala akong magawa sa unang araw ng Christmas break. Paano mo nga ba masasabi na kaibigan mo na ang isang tao? Kapag ba nakasama mo na sila ng ilang linggo, anim na buwan o apat na taon? Kung hindi man sa tagal ng panahon, sa mga pagkakatulad ba sa hilig gaya ng paglalaro ng console at online games, pagtuligsa sa gobyernong walang pagbabago o di kaya'y hilig sa paglalaro ng jolen? Oh di kaya'y kapag nakapagpalagayang loob ka na sa kanila at nasasabi mo na sa kanila ang iyong mga problema gaya ng problema sa lintik na pag-ibig, kung himihithit ka ng Mary Jane o di kaya'y tambutso ng isang tricycle. Kung wala man sa panahon, pagkakatulad sa mga interes o sa pakikipagpalagayang loob, ano nga ba ang batayan para masabing kaibigan mo ang isang tao? Nung gumradweyt ako ng grade six at pumasok ng first year, wala akong masyadong naging kaibigan dahil nga sa transferee ako nung nakaraang taon at isang classmate lang din galing dun ang nakasama ko nung na-promote kami ng section dahil ang nakararami sa amin ay nag-transfer na rin sa ibang eskwelahan. Presidente ako nuon ng grade six kung kaya't naging malapit naman ako sa bawat classmate ko sa paraang alam ko. Sa pagka-graduate ko sa naturang taon, doon ko natutunan na di ka dapat nagiging emotionally attached sa mga nagiging kakilala mo gaya ng classmate o teacher kahit na halos isang taon kayo nagsama sa mga kalokohan, kopyahan at pagpapasaway sa mga titser. Hindi rin exempted dun yung pusang nakilala mo na pagala-gala sa quadrangle. Gaya ng nasabi sa fourth year graduation speech namin, "We are like birds. Once hatched, we'll be nurtured by our mothers until we learn to soar the skies and fly our own direction. Alike to our academic life, we students come and go." Tama talaga ang huling parte, we come and go. Dumating na yung panahon na naturuan na kami ng mga teacher namin ng dapat nilang ituro di lang sa pang-akademikong paraan pati na rin sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa buhay. Dumating na yung araw na makalilipad na kami sa direksyong gugustuhin namin – ang pagtungtong sa kolehiyo. Dahil sa natutunan ko nang ma-detach ang mga emosyunal na bagay sa mga taong nakasama ko ng halos apat na taon, wala na akong naging problema na mahiwalay sa kanila. Gaya ng inaasahan, may kanya-kanya na kaming naging buhay, tapos na rin ang obligasyon ko bilang presidente ng klase, wala na akong pananagutan sa kanila. Bukod sa kanya-kanyang buhay, wala na halos akong kontak sa kanila pwera na lang sa dalawa na kaparehas ko ng pinapasukang unibersidad. Bihira din akong magpunta sa mga event nilang ino-organize dahil na rin sa wala na nga akong kontak sa kanila. Wala lang sa akin yun. Ewan ko na lang sa kanila. Sa dami na ng nai-type ko baka nagtatanong ka na kung ano ang mga kinalaman nyan. Isa lang naman, walang kang nakitang may binanggit akong kaibigan dahil wala naman talaga. Kaibigan sa salita lang. No more, no less. Bilang lang sa sampung daliri ko ang mga kaibigan ko at sila yung mga taong nakasama ko sa magsasampung taon ko na paglagi dito sa Pilipinas. Kami yung tipong kahit di magkita ng anim na buwan ay kapag nagkaroon ng oras makapag-usap ay kukulangin ang numero sa isang orasan para punan ang anim na buwan na yun. Literal na kapitbahay ko dito sa amin pero dahil busy kami sa sari-sarili naming buhay gaya ng dalawa ay busy sa trabaho, ang dalawa pa ay busy sa kani-kanilang sariling pamilya, ang isa naman ay pinagkakaabalahan ang darating na nursing licensure exam at kaming dalawa ng computer science din na kaibigan ko ay busy naman sa eskwela – nag-aaral. Naging kaibigan ko sila dahil may mga interes kaming magkakaparehas at yun ang bumubuo ng isang samahan. Extra na lang siguro kung gaano katagal na ang pagkakaibigan nyo pero ito lang ang masasabi ko tungkol sa panahon, maaring maging kaibigan mo ang isang tao sa loob lamang ng isa o dalawang araw pero higit pa sa apat na taong pagsasama ang kailangan para malaman kung sino sa kanila ang magiging kasama mo hanggang sa huli kung kailan wala na yung isang bagay na nagbubuklod sa inyo. Gaya ng nakagawian, ganun din ang gagawin ko pag-graduate ng kolehiyo. Mas kailangan ngayon yun dahil na rin sa pagtatapos namin, magkakaroon na kami ng sari-sariling buhay. Mawawala na rin ang tanging bagay na nagbubuklod sa amin bilang mga magkakaklase – ang eskwelahan. Magkakaroon na rin kami ng mga priorities na kailangang unahin, magiging kaonti na rin ang oras para sa kung ano pang walang katuturang bagay. Sa parte ko, ayos lang yun, sa dahilan na nagampanan na namin kahit papaano ang parte ng isang pagiging estudyante, ng isang pagiging kaklase sa apat na taon sa mga paraang alam namin. Sa pagtatapos na yun na masusubukan kung sino ang mga taong matatawag kong kaibigan at pipiliting makasabay sa isang daanan na kung saan magkikita pa kami. Inaamin ko na di ako magaling sa ganung mga bagay, mabilis akong makalimot lalo na sa mga taong walang naging bearing sa buhay ko. Kahit na apat na taon pa yun e kung wala ka namang nagawang katanda-tanda ay wala ng dapat pag-usapan pa. Saka, di ko na rin naman na sila makikita sa dahilan na malalaman din nila balang araw. Di rin kasi ako magaling magpaalam kung kaya't ayos na yung walang na akong emotional attachment kahit sa isa sa kanila. Mas masakit magpaalam kapag may naiwan pang 3.1416%. Malapit na ang panahon na yun. Kaonti na lang at handa na rin ako, kaonting detachment na lang. Madali lang yun, oo... madali lang. Ang haba na pala neto, ang hirap talaga kapag walang magawa sa bahay. Muli, ito'y isang opinyon lang at produkto ng pagkausap sa mga pusa.